Ipinahayag ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na tila pinapalabas ng pamahalaan na ang kanilang hanay ang humaharang sa pagpapatuloy ng proseso ng decommissioning, sa kabila ng umano’y paulit-ulit na paglabag ng gobyerno sa mga nakasaad sa kasunduan.

Giit ni Chairman Ebrahim, nililikha ng gobyerno ang impresyon na ang pamunuan ng MILF ang nagiging dahilan kung bakit naaantala ang decommissioning ng mga combatants. Aniya, napapakita sa publiko na tila sila ang nagpipigil sa pagpapatupad nito, gayong hindi umano tinutupad ng pamahalaan ang kanilang mga obligasyon sa kasunduan.

Samantala, binigyang-diin ni Engr. Aida Silongan na nagdaos pa ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) ng isang decommissioning activity nang hindi kumukonsulta o nakikipag-ugnayan sa MILF. Itinuturing itong malinaw na paglabag sa kanilang kasunduan at sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).