Tinatayang aabot sa ₱3 milyon halaga ng ipinuslit na sigarilyo ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang COMELEC checkpoint sa Barangay Sarmento, Parang nitong Agosto 26, 2025.

Ayon sa ulat, isang wing van ang pinahinto sa nasabing checkpoint at nang inspeksyunin ay nadiskubre ang nasa 150 kahon ng smuggled cigarettes na binubuo ng 30 kahon ng FORT at 120 kahon ng BERLIN brands.

Dahil bigong makapagpakita ng kaukulang dokumento para sa pag-angkat at pagbiyahe ng mga produkto, agad na inaresto ang mga sangkot. Nahaharap sila sa paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act 10643 o Graphic Health Warning Law.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Parang Municipal Police Station ang mga naarestong indibidwal at ang mga nakumpiskang kontrabando para sa tamang disposisyon.

Samantala, pinuri ni Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang mabilis na aksyon ng mga operatiba. Binigyang-diin din niya na ang naturang operasyon ay patunay sa patuloy na pagtutulungan ng PRO BAR at mga katuwang na ahensya upang labanan ang smuggling at tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa buong Bangsamoro region.