Ipinagpaliban ng Commission on Elections (COMELEC) ang implementasyon ng redistricting measures sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at sa halip ay nakatutok na ngayon sa paghahanda para sa darating na Bangsamoro Parliamentary Elections.
Sa naging pagpupulong ng COMELEC En Banc noong Agosto 27, napagdesisyunan na hindi na muna ipatutupad ang pagbabago sa parliamentary districts batay sa BTA Bill No. 351. Ayon sa poll body, limitado ang oras para maisakatuparan ang redistricting lalo’t nagsimula na ang campaign at election period. Binigyang-diin ng komisyon na ang hakbang ay upang maiwasan ang kalituhan ng mga botante at posibleng pagkakait ng karapatang bumoto.
Kasunod nito, inanunsyo ng COMELEC Ballot Production Committee na ngayong Agosto 28, 2025 ay sisimulan na muli ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota para sa halalan sa BARMM, katuwang ang National Printing Office at Miru Joint Venture. Ang printing ay isasagawa sa pasilidad ng NPO sa Diliman, Quezon City.
Samantala, ibinahagi rin ng OCTA Research ang resulta ng kanilang nationwide survey hinggil sa nakaraang May 12, 2025 National and Local Elections. Sa pananaliksik na isinagawa sa 1,200 respondents:
83% ng mga Pilipino ang naniniwalang tumpak at kapani-paniwala ang opisyal na resulta ng halalan,
64% ang nagsabing naging malaya at patas ang eleksyon,
86% ang nasiyahan sa bilis at kahusayan ng automated polling system,
at 61% ang nagpahayag ng tiwala sa mga election surveys.
Ayon sa COMELEC, ang mataas na antas ng kumpiyansa ng publiko ay patunay na nananatili ang integridad ng kanilang trabaho at ng automated voting system na ginagamit sa bansa.