Naging emosyonal si Datu Marohomsar A. Gaya, ikalawang nominee ng Moro Ako Party, sa kaniyang talumpati kung saan iginiit niya na hindi sapat ang puro ayuda at pansamantalang solusyon para sa mga mamamayan ng Bangsamoro.

Ayon kay Gaya, ilang dekada nang nagtitiis ang mga tao sa pagbaha, bakwit, at kahirapan, ngunit kulang pa rin ang totoong aksyon at representasyon sa pamahalaan.

Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mga programang pangmatagalan para sa kabuhayan, mas aktibong papel ng kababaihan sa proseso ng kapayapaan, paghubog sa kabataan bilang susunod na lider, pagbibigay ng dekalidad na edukasyon, at mas seryosong pagtutok sa kalikasan at climate resilience.

“Kung walang tunay na kinatawan na magdadala ng ating boses, paulit-ulit lang tayong maghihirap. Panahon na para kilalanin at isama ang lahat tungo sa kapayapaan at kaunlaran,” ani Gaya sa kaniyang pahayag.