Suspendido na ang lahat ng exemption stickers sa lungsod matapos mabunyag ang kaso ng pamemeke at iligal na pagbebenta nito. Kinumpirma ni Mayor Bruce “BM” Matabalao na nahuli na ang mga sangkot at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya upang harapin ang kasong kriminal.
Sa kabila ng suspensyon, nilinaw ng pamahalaang lungsod na may ilang sektor lamang na pinapayagang makagamit ng exemption. Kabilang dito ang mga frontline health workers tulad ng mga doktor, nars at hospital staff; mga uniformed personnel gaya ng pulis, militar, bumbero at iba pang law enforcement units; accredited media practitioners; gayundin ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan hanggang Assistant Director level, habang sa BARMM ay hanggang Deputy Minister level lamang.
Kasama rin sa pinapayagang sektor ang mga manggagawa mula sa public utilities na nagbibigay ng serbisyo sa kuryente, tubig at telecommunication; mga couriers at delivery riders para sa pagkain, gamot at iba pang essential goods; mga operator ng pampublikong transportasyon na may aprubadong prangkisa at ruta mula sa City Government; at mga funeral service providers.
Pinapayagan din ang mga indibidwal na may medical emergencies o verified hospital appointments, mga government lawyers mula DOJ, PAO at City/Provincial Legal Office na nasa opisyal na tungkulin, barangay officials at barangay health workers na gumaganap ng kanilang opisyal na trabaho, mga guro at school personnel na nakatalaga sa mga aktibidad na awtorisado ng pamahalaan, at mga kawani ng bangko at financial institutions na nagtitiyak ng tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Kabilang din dito ang mga sasakyan at tauhan ng UN agencies, accredited international organizations, at kinikilalang NGOs na nagsasagawa ng humanitarian o essential government-endorsed operations.
Binigyang-diin ni Mayor Matabalao na ang hakbang na ito ay mahalagang gawin upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang pang-aabuso sa paggamit ng exemption stickers sa lungsod.