Naglabas ng opisyal na pahayag ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) upang linawin ang insidente na naganap kahapon, Setyembre 5, 2025, sa kanilang pangunahing tanggapan sa Bangsamoro Government Center, Cotabato City.
Ayon sa ministeryo, bandang alas-7:30 ng umaga nang pumasok sa gusali ng MBHTE ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), kasama ang ilang miyembro ng Marines at Armed Forces of the Philippines (AFP), upang samahan ang Special Auditing Team ng Commission on Audit–BARMM sa pagkuha ng mga dokumento mula sa Office of the Resident COA Auditor.
Sa pahayag ng MBHTE, iginiit nilang hindi personal na nakadalo ang Lead Auditor ng COA Special Audit Team sa mismong operasyon. Sa halip, kopya lamang ng Memorandum Order na umano’y inilabas ng COA Chairperson ang ipinakita bilang batayan ng retrieval. Dagdag pa rito, walang naging paunang koordinasyon sa ministeryo at hindi rin nagpakita ng Mission Order ang mga armadong tauhan bago pumasok sa gusali.
Binanggit din ng MBHTE na mismong mga unipormadong awtoridad ang humawak at nag-asikaso ng mga dokumento, imbes na ang mga kawani ng COA. Para sa ministeryo, hindi kinakailangan ang pagpasok ng mga heavily armed personnel na naka-battle gear dahil nagdulot ito ng pagkaantala sa normal na operasyon at pangamba sa mga empleyado na tanging tungkulin lamang ang ginagampanan para sa mamamayang Bangsamoro.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng masusing pagsusuri ang MBHTE kaugnay ng pangyayari at pinag-aaralan na rin ang mga posibleng legal na hakbang. Binigyang-diin ng ministeryo na nananatili ang kanilang pagtalima sa lahat ng legal na proseso ng auditing, ngunit umaasa silang ang mga susunod na operasyon ay maisasagawa nang may tamang koordinasyon, kaangkupan, at paggalang sa kapaligiran ng mga sibilyang kawani.