Isang malaking hakbang laban sa ilegal na droga ang naitala sa Sulu matapos ideklara ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROCBDC) ang 29 drug-cleared at 17 drug-free barangay sa lalawigan. Ginawa ang deklarasyon sa kanilang pagpupulong noong Setyembre 7, 2025 sa Sumadjah Hall, Bangkal, Patikul, Sulu sa pamamagitan ng face-to-face at Zoom platform
Kabilang sa mga binigyan ng Certificates of Drug-Cleared Barangays ang mga lokal na pamahalaan ng Maimbung, Talipao, Patikul, Hadji Panglima Tahil, Siasi, at Parang, bilang pagkilala sa kanilang matagumpay na pagsunod sa mga itinakdang pamantayan sa ilalim ng Barangay Drug Clearing Program (BDCP)
Pinangunahan ang pagpupulong ni ROCBDC Chairman Director Gil Cesario P. Castro, kasama si Director George Paul P. Alcovindas, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya kabilang sina: Atty. Marvin D. Mokamad, IAS Director ng MILG, at LGOO VII Nermida Muksan; PCOL Armando Muena ng PNP PROBAR at PLTCOL Melbeth C. Mondaya; Dr. Norman Prince Datumanong at Mr. Ali Jubran Lauban ng MOH-BARMM; gayundin ang mga kinatawan mula sa PLGU ng Sulu
Dumalo rin sa pagtitipon ang mga local chief executives, chiefs of police, municipal local government operations officers, municipal health officers, at mga punong barangay ng mga aplikanteng LGU. Ipinakita nito ang matibay na suporta ng iba’t ibang sektor sa Sulu para sa pagpapatuloy ng kampanya tungo sa isang drug-free at mapayapang komunidad.