Nagbanta ang Qatar na gaganti matapos ang inilunsad na pambobomba ng Israel sa Doha, na tumarget sa mga opisyal ng Hamas sa loob ng isang residential compound kung saan naroon ang liderato ng grupo.

Kumpirmado ang pagkasawi ng isang Qatari security personnel matapos bombahin ng Israel ang nasabing complex, na siyang pinaglalagyan ng negotiating team ng Hamas.

Batay sa ulat, 15 Israeli fighter jets ang nagsagawa ng operasyon at nagpakawala ng sampung bomba sa iisang target.

Ayon sa Hamas, ligtas ang kanilang mga mataas na opisyal mula sa naturang pag-atake, subalit anim sa kanilang mga kaalyado ang nasawi. Taliwas naman dito, iginiit ng Israel na mga senior leader ng Hamas ang kanilang naging target. Ito rin ang unang pagkakataon na nagsagawa ng pambobomba ang Israel sa Qatar.

Ang Hamas ay itinuturing na armadong grupo na may kontrol sa Gaza, na kasalukuyan namang pinupulbos ng Israel sa nagpapatuloy na opensiba.