Nanguna sa ground breaking ceremonies para sa 50 housing units na nakatakdang itayo sa dalawang barangay ng SGA-BARMM ang Ministry of Human Settlements and Development (MHSD).
Bahagi ito ng programa ng Bangsamoro Government na tumatarget na mabigyan ng pabahay ang nasa 300,000 na mga mamamayan sa rehiyon.
Ang 50 units ay nakatakdang itayo sa Barangay Pedtad, Maledegao SGA.
Pinondohan ang naunang mga units ng SDF o Special Development Fund 2022 habang ang kalahati naman nito ay itatayo sa Batulawan, SGA sa pamamagitan ng pondo galing sa GAAB o General Appropriations Act of Bangsamoro 2024.
Sa naging pahayag ni MHSD Director General Esmael Ebrahim, ang nasabing proyekto ay isang bahagi ng mga programang prioridad ng gobyernong Bangsamoro na may layuning maibsan ang bilang ng mga mamamayang walang sariling pamamahay.
Aniya, katuwang ng bawat mamamayan ang Bangsamoro Government at gagawin nila ang lahat ng kanilang magagawa para sa ikagaganda ng pamumuhay at buhay ng bawat mamamayang Bangsamoro.
Ayon pa kay Ebrahim, matapos ang naturang proyekto, susunod naman na makakabenepisyo ng housing resettlement project ang iba pang lugar sa SGA na ngayon ay isinailalim na sa masusing balidasyon at pagsisiyasat.
Pinaalalahanan din naman nito ang mga makakatanggap ng pabahay na libre at walang kailangang bayaran o ilabas na pera ang mga ito subalit alagaan lang nila ng maayos ang unit upang tumagal na matirahan.