Isinailalim sa red category ang labindalawang bayan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) isang buwan bago ang nakatakdang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa Oktubre 13, 2025.

Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, kabilang dito ang anim na bayan sa Lanao del Sur: Masiu, Lumba-Bayabao, Poona-Bayabao, Tamparan, Taraka, at Mulondo.

Limang bayan naman ang mula sa Maguindanao del Sur: Paglat, Pandag, Buluan, Datu Paglas, at Mangudadatu.

Kasama rin ang bayan ng Al-Barka sa Basilan.

Ipinaliwanag ni Garcia na ang red category ang pinakamataas sa apat na klasipikasyon ng Areas of Concern ng COMELEC. Gayunpaman, nilinaw ng poll chief na wala pa silang nakikitang lugar na dapat isailalim sa Comelec Control.

Dagdag pa niya, nananatiling “generally peaceful” ang sitwasyon ng seguridad sa BARMM.

Samantala, kinumpirma rin ni Garcia na nakipagpulong sila kay BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua hinggil sa isyu ng 7 additional seats. Bagaman iginiit ng BARMM leadership na gawing 80 seats ang ihahalal, nanindigan ang poll body na hindi na ito maisasagawa dahil kulang na ang oras.

Sa huli, nagkasundo ang dalawang panig na hintayin ang magiging disposisyon ng Korte Suprema, lalo’t kapwa may nakabinbing kaso kaugnay nito sa Parlyamento at sa COMELEC.