Nilinaw ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan sa kanilang paghiling na itigil pansamantala ang paglilitis kaugnay ng kasong may kinalaman sa war on drugs sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Nicholas Kaufman, lead counsel ng dating pangulo, nakararanas umano si Duterte, na ngayon ay 80 taong gulang, ng seryosong cognitive impairment. Dahil dito, hindi na raw nito nakikilala maging ang sarili niyang mga anak at hindi rin naaalala ang mga kasong kinakaharap niya.

Giit ng legal team, hindi na rin inaasahang gagaling pa ang kondisyon ng dating pangulo kaya iginiit nila sa Pre-Trial Chamber ng ICC na i-adjourn o itigil nang walang hanggan ang mga proceedings laban sa kaniya.

Kasabay nito, nagsumite na rin ang kampo ni Duterte ng mga malawak na medical records upang patunayan ang kalagayan niya.

Matatandaang una na ring hiniling ng panig ng dating pangulo na payagan na siyang makauwi sa Pilipinas kung maaaprubahan ang kanilang kahilingan para sa interim release.