Mismong si Bangsamoro Interim Chief Abdulraof Macacua ang walang preno na nagbunyag ng nagaganap na katiwalian sa BARMM Government na siyang pinamumunuan nito ngayon.
Sa isang pagtitipon ng mga opisyal sa ika 50 na anibersaryo ng bayan ng Matanog, Lanao del Norte na kung saan naging guest speaker si Macacua, dito na nagbigay ng mga nakakagulat na pasabog ang punong ministro kung saan idinetalye nito ang mga katiwalian na nagaganap sa regional government.
Sa naging pahayag ni Macacua, inamin nitong laganap pa rin at nananatili pa rin na problema ang kurapsyon sa ilang mga proyekto ng gobyerno at idiniin nito na ang pagwawalang bahala sa mga problema na gaya ng kurapsyon ay nagiging dahilan upang maging kasabwat ang mga pinuno.
Sa mga natuklasan umanong katiwalian ni Macacua mula ng una itong umupo sa pagiging Chief Minister, ibinulgar nito ang mga kaduda-dudang paraan sa pagkuha ng kagamitan o bidding hanggang sa tahasang pagbibigay ng lagay o suhol na kung saan, may nanalong bidder umano ngunit sinabihan ito na tanggapin na lamang ang pagkatalo dahil mayroon na aniyang inilagay bago pa man maganap ang bidding na nagpapakita ng daya sa bidding process.
Inilarawan nito ang natuklasan niyang kaso kung saan ang isang kilo ng bigas ay nagkakahalaga ng napakataas na 81 pesos at ng tangkain pang ibaba ng nanalo sa bidding ang presyo papuntang 50, kinansela umano ni Macacua ang nasabing bidding transaction.
Dagdag pa sa mga natuklasan ng punong ministro ang mga proyektong bayad na, ngunit hindi kailanman na natapos pati na rin ang insidenteng kunsaan inalok siya ng milyon milyong pisong suhol ng isang government official.
Kwento ni Macacua, inakit siya umano ng buwanang 27 million pesos na tinaasan ng 40 million pesos bagay na tinanggihan nito dahil di naman nya umano ito pinaghirapan.
Mayron din aniyang kasunod na insidente ng panunuhol kamakailan kung saan, isang aplikante sa trabaho ang nagtangkang manuhol sa kanya ng limang milyong piso para mailagay ito sa pwesto ngunit tinanggihan naman nito muli ang alok maging ang aplikante.
Si Macacua na umupo bilang Interim Chief Minister noong Marso taong kasalukuyan ay nagsabing malaking balakid umano ang mga gawaing tiwali sa pagunlad ng rehiyon dahil ihinihila nito ng pababa ang gobyerno at hindi ito basta basta maitatago.
Sa huli, ayon kay Macacua, dapat na pagusapan ang mga bagay na ito sa publiko ng sa ganoon ay hindi maging parte ng problema ang bawat isa.
Ito rin aniya ang nagpatibay sa kanyang pangako sa moral governance at isang malinis at tapat na pagogobyerno.