Matagumpay na nasamsam ng 8th Infantry “Stormtroopers” Division ang karagdagang mga matataas na kalibreng armas at kagamitang pandigma sa Barangay Magtino, Llorente, Eastern Samar, matapos ang isa na namang matagumpay na operasyon ng 63rd Infantry “Innovator” Battalion.
Kabilang sa narekober na mga kagamitan ang isang R4A3 rifle, isang M16 rifle, mga magasin, 158 pirasong bala, at mga personal na gamit na iniwan ng mga nagtatakbuhang miyembro ng Sub-Regional Committee (SRC) Sesame, isang yunit sa ilalim ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).
Sa kabuuan, umabot na sa apat na matataas na kalibreng armas, isang .45 kalibreng baril, 14 na magasin, at 449 na piraso ng bala ang nakumpiska sa magkakasunod na operasyon ng militar.
Nauna nang winasak ng mga tropa ang isang hideout ng Communist Terrorist Group (CTG) na may nakatanim na mga ipinagbabawal na Anti-Personnel Mines (APMs), na lalong nagpapahina sa kakayahan ng EVRPC na magsagawa ng opensiba.
Ayon kay Maj. Gen. Adonis Ariel G. Orio, Commander ng 8ID, ang tagumpay ay bunga ng walang humpay na operasyon ng militar at ng lumalawak na suporta ng mga komunidad na tumatanggi na sa impluwensiya ng mga rebelde.

















