Pinasinayaan ng Philippine National Police (PNP) ang walong Type “C” Municipal Police Stations sa Special Geographic Areas (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Setyembre 12, 2025, bilang bahagi ng pagpapatibay sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Layunin ng hakbang na ito na palakasin ang presensya ng law enforcement at higit pang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko sa mga bagong likhang munisipalidad ng BARMM.

Pinangunahan ang seremonya ng aktibasyon ni BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua, na kinatawan ni Atty. Marvin D. Mokamad, Director II ng IAS-BARMM. Dumalo rin bilang mga panauhing pandangal sina Atty. Fahd A. Candao, Regional Director ng NAPOLCOM-BARMM, at Member of Parliament Butch P. Malang, SGA Development Administrator.

Kinatawan naman ni PCOL Harold S. Ramos sina PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, at PBGEN Arnold P. Ardiente, Regional Director ng PRO 12. Iginiit ng mga opisyal ang kanilang pangako sa mas matibay na koordinasyon upang masiguro na ang mga bagong istasyon ng pulisya ay magsisilbing sandigan ng kapayapaan, kaayusan, at tiwala ng publiko.

Bahagi ito ng mas malawak na inisyatiba ng PRO BAR na i-reorganisa at patatagin ang lokal na pagpapatupad ng batas—isang malinaw na pagpapakita ng dedikasyon ng PNP sa pagtataguyod ng ligtas, matatag, at empowered na mga komunidad sa buong Bangsamoro Autonomous Region.

Via Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region