Isang menor de edad ang nasawi habang dalawa pa ang nagtamo ng sugat matapos masangkot ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa salpukan laban sa isang pampasaherong bus sa Barangay Poblacion, Kidapawan City.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga sugatang biktima na sina Ramil Ceniza Pitogo, 40 taong gulang, at ang angkas niyang si Teresita Aspa, 60 taong gulang, na kapwa residente ng Barangay Dalipe, M’lang, Cotabato.
Nasawi naman sa mismong lugar ang kanilang batang kapitbahay na nakilagay lamang bilang backrider, na kinilala sa alyas na “Perry.”
Samantala, nakilala ang bus driver na si Zac, 37 taong gulang, may asawa at nakatira sa Purok 3, Barangay Pagangan, Aleosan, Cotabato.
Batay sa imbestigasyon ng Kidapawan City PNP Traffic Section, parehong binabagtas ng bus at motorsiklo ang kahabaan ng Quezon Boulevard nang maganap ang insidente. Nasa fast lane umano ang bus habang nasa inner lane naman ang motorsiklo.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, bigla umanong kumabig pakaliwa ang motorsiklo kaya hindi na ito naiwasan ng kasunod na bus. Dahil dito, bumangga ang kaliwang bahagi ng bus sa kanang bahagi ng motorsiklo.
Dahil sa tindi ng tama, nagtamo ng mga sugat ang driver ng motorsiklo at ang dalawang angkas nito. Dead-on-the-spot naman ang menor de edad na biktima dahil sa malubhang tinamong head injury.
Agad namang dinala sa ospital ang dalawang sugatan para sa agarang lunas, habang nasa kustodiya na ng Kidapawan PNP ang bus driver. Nahaharap siya sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at dalawang bilang ng Physical Injury.