Nanguna si Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Al-Haj Murad Ebrahim sa isang mahalagang pagpupulong kasama ang mga Inner Guard at Guerrilla Commanders na pinangungunahan ni Commander Badrudin “Sir Badz” Akmad Ebrahim.
Dumalo rin sa pagtitipon si MILF First Vice Chairman Datucan “Mohagher Iqbal” M. Abas at MILF AHJAG Chairperson Anwar “Young Fighter” Alamada. Sentro ng pagpupulong ang pagpapatatag ng katapatan ng mga kumander at pagbibigay ng malinaw na direktiba mula sa pamunuan ng MILF.
Binigyang-diin ni Chairman Murad ang kasaysayan ng pakikibaka ng Bangsamoro, kabilang ang malagim na karanasan sa Kulong-kulong, Malisbong, at Jabidah massacres. Iginiit niyang nagpapatuloy ang laban para sa sariling pagpapasya, na ngayo’y isinusulong sa larangan ng pulitika—mula sa paghawak ng armas tungo sa pakikilahok sa halalan.
Samantala, ipinaalala naman ni Vice Chairman Iqbal na ang lahat ng nakamit ng MILF ay bunga ng sakripisyo at sama-samang pagsisikap, hindi basta ipinagkaloob. Kaya’t nanawagan siya sa mga kumander na ipagtanggol ang mga nasimulan at manatiling tapat sa layunin ng kilusan.