Matagumpay na nasupil ng 8th Infantry “Stormtroopers” Division ng Philippine Army ang mga natitirang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa tatlong magkakasunod na engkuwentro na naganap sa Barangay Concepcion, Paranas, Samar noong Setyembre 13, 2025.
Ayon sa ulat, pinaputukan ang tropa ng 46th Infantry “Peacemakers” Battalion, sa ilalim ng 801st Infantry “Bantay at Gabay” Brigade, ng mga kasapi ng CTG. Ngunit mabilis na na-outmaneuver ng mga sundalo ang kalaban, dahilan upang umatras ang mga rebelde.
Nasundan ito ng dalawang magkahiwalay na engkuwentro sa parehong araw, kung saan napatay ang isang miyembro ng CTG na kinilalang si Gerry Dela Cruz alyas “Justi”, at naaresto naman ang dalawang iba pa — sina alyas “Aye”, isang Political Guide ng SRC Browser, at alyas “Tintin” ng RSF, EVRPC.
Nakumpiska mula sa lugar ang tatlong M16 rifles, dalawang .45 caliber pistols, mga bandolier, backpack, mga subersibong dokumento, at iba pang kagamitang pandigma.
Pinuri ni Maj. Gen. Adonis Ariel G. Orio, Commander ng 8ID, ang mabilis at epektibong aksyon ng 46IB, at iginiit na patunay ito ng bisa ng kanilang tuloy-tuloy na operasyon laban sa armadong grupo.
Nagpahayag rin ng suporta at paghanga sina Col. Arlino L. Sendaydiego, Commander ng Brigade, at Lt. Col. Marvin A. Inocencio, Commander ng 46IB, sa katapangan ng kanilang mga tauhan. Hinimok din nila ang mga natitirang miyembro ng CTG na sumuko na at yakapin ang kapayapaan.
Tiniyak ng 8ID ang pagpapatuloy ng kanilang mga operasyon upang tuluyang buwagin ang nalalabing puwersa ng EVRPC at mapanatili ang seguridad ng mga komunidad sa Eastern Visayas.