Ipinagkaloob ng Western Mindanao Command (WestMinCom) sa pamamagitan ng Joint Task Force (JTF) Poseidon at Joint Task Group (JTG) Atlas ang mga portable laboratory equipment para sa mga Rural Health Units (RHU) ng Mapun at Taganak sa Tawi-Tawi noong Setyembre 13 hanggang 14, 2025.
Pinangunahan mismo ni Brigadier General Romulo Quemado II, Acting Commander ng WestMinCom, ang turnover ceremony bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng kanilang hanay na maghatid ng suporta at serbisyong pangkalusugan sa mga liblib na lugar ng Kanlurang Mindanao.
Kabilang sa mga naibigay na kagamitan ang electrocardiogram (ECG) machine, urinalysis at blood chemistry apparatus na makatutulong nang malaki sa pagpapalakas ng diagnostic capacity ng mga lokal na health unit.
Ang naturang inisyatibo ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng mga kaagapay at stakeholders ng WestMinCom, bilang paggunita na rin sa Maritime Archipelagic and National Awareness Month (MaNaMo). Layon nitong bigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagtugon sa mga hamon na kinakaharap ng mga maritime at frontier communities ng bansa.
Itinuturing na ilan sa pinakamalalayong lugar sa Tawi-Tawi ang mga isla ng Mapun at Taganak. Dahil sa kanilang lokasyon, madalas na nahihirapan ang mga residente at maging ang mga tropang nakatalaga roon na makakuha ng agarang lunas sa oras ng kagipitan, dahil sa layo ng mga ito mula sa mainland Tawi-Tawi at Zamboanga City. Kaya’t napakahalaga ng pagbibigay ng portable laboratory equipment upang mapalapit ang serbisyong medikal at matiyak ang maagap na atensyon para sa mga mamamayan at mga kawal na nagbabantay sa seguridad ng lugar.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Brig. Gen. Quemado ang pasasalamat sa lahat ng katuwang na naging bahagi ng proyekto.
Aniya, “Higit pa sa simpleng turnover ng medical equipment ang proyektong ito—ito ay patunay ng ating sama-samang layunin na protektahan at itaas ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan sa pinakamalayong sulok ng bansa. Sa pamamagitan ng pagbibigay-kakayahan sa ating mga health unit sa Mapun at Taganak, hindi lamang natin pinabubuti ang serbisyong medikal kundi pinatitibay rin ang katatagan ng ating mga komunidad at tropa.”
Tiniyak ng WestMinCom na magpapatuloy ito sa pagtataguyod ng mas matibay na ugnayan at pagsuporta sa mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga sibilyan at sektor ng seguridad sa Kanlurang Mindanao.