Pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbati ng Kongreso at ng sambayanang Pilipino kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagdiriwang ng kanyang ika-68 kaarawan nitong Sabado.
Sa kanyang mensahe, inilarawan ni Romualdez ang Pangulo bilang sagisag ng pagkakaisa at pamumunong may malasakit, na patuloy na gumagabay sa bansa sa kabila ng iba’t ibang hamon. Aniya, ramdam ng bawat mamamayan ang direksyong tinatahak ng administrasyon at ang pangangalagang ibinibigay nito sa sambayanan.
Binigyang-diin din ng Speaker na buo ang suporta ng Kamara sa mga programang isinusulong ng Malacañang, partikular sa mga repormang nakatuon sa pagpapatibay ng mga komunidad, pagpapalawak ng kabuhayan, at pagtitiyak ng kapakanan ng mga Pilipino.
Kasabay nito, kinilala ni Romualdez ang pamumuno ni Marcos Jr. bilang nakasentro sa paglilingkod at tunay na pag-unlad, hindi sa pansariling interes. Idinagdag pa niya na ang kampanyang “Bagong Pilipinas” ng Pangulo ay magiging matibay na pamana na huhubog sa kinabukasan ng bansa.
Nagpaabot din ng panalangin ang lider ng Kamara para sa kalusugan, karunungan, at patuloy na lakas ng Pangulo upang magampanan ang kanyang tungkulin sa pamumuno sa bansa.
“Sa espesyal na araw na ito, muling pinagtitibay ng Mababang Kapulungan ang pagiging katuwang ng Pangulo sa mabuting pamamahala. Sisiguraduhin naming ang mga batas na ipapasa ay tutugon sa pangangailangan ng ating mamamayan at mag-iiwan ng pamana na maipagmamalaki ng mga susunod na henerasyon,” ani Romualdez.