Nanindigan si Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Al Haj Murad Ebrahim na hindi muna itutuloy ang proseso ng decommissioning ng mga mandirigma ng MILF, kasunod ng umano’y kakulangan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa pagtupad ng kanilang mandato.
Ipinahayag ito ni Chairman Murad sa harap ng mga kaanak ng yumaong Ameerul Mujahideen Sheikh Salamat Hashim at ilang kumander ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) mula Pagalungan, Maguindanao del Sur.

Ayon sa kanya, malinaw ang naging pagkukulang ng OPAPRU sa implementasyon ng mahahalagang probisyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at Bangsamoro Organic Law (BOL), partikular na ang mga programang pangkabuhayan na dapat sana’y nakalaan para sa mga na-decommission na mandirigma.
Giit ni Murad, ang pansamantalang pagtigil sa decommissioning ay isang hakbang upang mapangalagaan ang dignidad at kinabukasan ng mga Bangsamoro. Dagdag pa niya, ang tunay at pangmatagalang kapayapaan ay hindi lamang nakasalalay sa kasunduan kundi dapat nakaugat sa mga prinsipyo ng Islam na matagal nang nagsilbing gabay ng MILF mula pa sa pamumuno ng yumaong Sheikh Salamat Hashim hanggang sa kasalukuyan.
