Arestado ang dalawang lalaki matapos maharang sa isang COMELEC checkpoint ng mga tauhan ng Datu Salibo Municipal Police Station sa Brgy. Sambulawan, bandang alas-10:40 ng umaga, Lunes, Setyembre 15, 2025.

Kinilala ang mga suspek sa kanilang mga alias na sina Musa at Norodin, kapwa nasa hustong gulang. Nasamsam mula sa kanila ang apat na uri ng baril na kinabibilangan ng isang Elisco 5.56mm rifle, isang Colt 5.56mm rifle, isang Armscor cal. .45 pistol, at isang Shooter cal. .45 pistol na may kasamang mga magasin at bala.

Sakay ng Toyota Hilux ang mga suspek nang sitahin sa checkpoint, kung saan agad na napansin ng mga pulis ang mga dala nilang armas. Hindi nakapagsumite ang dalawa ng kaukulang dokumento, kabilang na ang COMELEC Gun Ban Exemption permit, dahilan upang agad silang arestuhin.

Pinuri ni Maguindanao del Sur Police Provincial Director PCOL Sultan Salman Sapal ang mabilis na aksyon ng Datu Salibo MPS na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek at pagkakakumpiska ng mga armas.

Ayon kay PCOL Sapal, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pulisya upang matiyak ang seguridad at kapayapaan sa nalalapit na unang BARMM Parliamentary Election.

Nanawagan din siya sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad na magsumbong sa PNP ng anumang kahina-hinalang aktibidad o indibidwal sa kanilang komunidad.