Trahedya ang sinapit ng isang payong-payong driver matapos madamay sa pamamaril na naganap nitong Martes ng umaga sa Jose Lim Street, Poblacion 5, Cotabato City.

Sa halip na makauwi sa kanyang pamilya, tinamaan ng bala ang biktima habang nagmamaneho ng kanyang payong-payong.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, target umano ng mga salarin ang kapitan ng Barangay Poblacion 5, na sugatan sa insidente. Nasawi naman ang kanyang asawa matapos mapuruhan ng tama ng bala.

Isinugod pa sa ospital ang mga biktima ngunit idineklara ring dead on arrival ang payong-payong driver dahil sa mga tinamong tama ng bala.

Patuloy na nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Cotabato City Police at nananawagan sa publiko na magbigay ng impormasyon na makakatulong upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa insidente.