Bilang bahagi ng suporta sa National Greening Program ng pamahalaan, matagumpay na isinagawa ng 601st Infantry (Unifier) Brigade ang pagtatanim ng mga puno ng Cherry Blossom sa Barangay Talisawa noong Setyembre 17, 2025.
Pinangunahan ang aktibidad ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, kasama ang Deputy Brigade Commander na si Colonel Jearie Boy Faminial at Brigade Executive Officer na si Lieutenant Colonel Udgie C. Villan. Nakiisa rin ang mga residente ng Barangay Talisawa sa pangunguna ni Chairman Hon. Noli Gumana, mga guro at mag-aaral mula sa Memorial Kamino National High School, gayundin ang tropa ng 1st Civil-Military Operations (1CMO) Company at Alpha Battery, 6th Field Artillery Battalion (6FAB).
Ayon kay Brig. Gen. Catu, ang pagtatanim ng Cherry Blossom ay hindi lamang hakbang para sa kalikasan kundi simbolo rin ng kagandahan at pag-asa para sa kaunlaran ng bayan. “Layunin natin na makalikha ng luntiang kapaligiran na magsisilbing pamana sa susunod na henerasyon. Sa pagkakaisa, masisiguro natin ang maaliwalas at maunlad na komunidad,” aniya.
Nagpahayag din ng papuri si Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, sa aktibong pakikilahok ng iba’t ibang sektor. Binigyang-diin niya na mahalaga ang pagtutulungan ng mamamayan at pamahalaan sa pangangalaga ng kalikasan at pagtataguyod ng kapayapaan.
“Nawa’y magsilbing inspirasyon ang pagkakaisa ng bawat isa para sa kapayapaan at kaunlaran, hindi lamang sa Datu Abdullah Sangki kundi sa buong rehiyon ng BARMM,” ani MGen. Gumiran.