Malaking pagbabago ang ipinatupad sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa Fiscal Year 2026 matapos ipag-utos ng Pangulo ang pagtanggal ng lahat ng locally funded flood control projects na nagkakahalaga ng P252 bilyon.
Sa liham na ipinadala ni DPWH Secretary Vivencio B. Dizon kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ipinahayag na ang inamyendahang badyet ng ahensya ay umabot na lamang sa P625.78 bilyon mas mababa ng P255.52 bilyon o halos 29 porsyento kumpara sa orihinal na P881.31 bilyong naunang isinumite.
Ayon kay Dizon, sa kabila ng maikling panahon, sinikap ng kagawaran na tugunan ang mga isyu sa naunang badyet, kabilang ang pondo para sa mga natapos at dobleng proyekto.
Dagdag pa rito, ipinahatid ng DPWH ang rekomendasyon ng Pangulo na ang natipid na pondo ay ilaan sa iba pang mahahalagang sektor tulad ng agrikultura, edukasyon, kalusugan, pabahay, paggawa, social welfare, at information technology.
“Ang pagbabagong ito ang pinaka-praktikal at makakayang maisakatuparan batay sa itinakdang panahon para sa Kagawaran,” ani Dizon sa kanyang sulat.
Kabilang sa nakopya ng liham sina House Majority Floor Leader Rep. Ferdinand Alexander A. Marcos III at Senior Deputy Speaker Rep. David “Jayjay” Suarez.