Pormal nang sinampahan ng kaso ang suspek sa pagpaslang sa konserbatibong aktibista na si Charlie Kirk.
Ayon kay Utah County Attorney Jeffrey S. Gray, nahaharap si Tyler Robinson, 22 anyos, sa kasong aggravated murder na may katapat na parusang kamatayan.
Bukod dito, kinasuhan din ang suspek ng pitong bilang ng iba pang paglabag, kabilang na ang obstruction of justice matapos umano nitong sirain ang mga ebidensiya at utusan ang kanyang kasintahan na burahin ang mga text messages na maaaring magdawit sa kanya.
Tinukoy rin ni Gray na hihilingin ng kanilang panig ang pagpataw ng parusang kamatayan laban kay Robinson.
Batay sa imbestigasyon, binaril umano ni Robinson si Kirk habang nasa isang pagtitipon sa Utah Valley University.