Maliwanag na redistricting lamang ang pinatitigil ng Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Korte Suprema at hindi ang mismong First Bangsamoro Parliamentary Elections sa darating na Oktubre 13.
Ito ang inihayag ni Atty. James Latiph Hadjiusman, election lawyer at legal counsel ng mga nagpetisyon laban sa Bangsamoro Autonomy Act 77. Giit niya, labis na nakakagulat ang hakbang ng Commission on Elections (Comelec) na suspendihin ang lahat ng preparasyon para sa halalan, bagay na nagdudulot ng kalituhan sa publiko.
Dagdag pa ni Atty. Hadjiusman, hindi tumutugma sa mandato ng Comelec na tiyakin ang malinis, tapat at maayos na halalan ang kanilang naging aksyon. Aniya, nilito ng poll body ang taumbayan sa maling interpretasyon ng TRO.
Binatikos din niya ang umano’y paulit-ulit na pagkukulang ng Comelec sa malinaw na pagpapaliwanag sa mga botante, kabilang ang voters education at ang implementasyon ng iskemang “None Of The Above” o NOTA.
Sa kabila ng mga isyung ito, tiniyak ni Atty. Hadjiusman na tuloy pa rin ang halalan sa Bangsamoro region at walang dapat ipangamba ang publiko hinggil sa takdang petsa ng botohan.