Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang PRO-BAR Press Corps kaugnay ng umano’y ginagawang background investigations ng ilang yunit ng intelligence police laban sa mga kasapi ng media sa rehiyon. Ayon sa grupo, malinaw na banta ito sa kalayaan sa pamamahayag at paglabag sa karapatan sa pribadong buhay ng mga mamamahayag.
Ibinunyag ni Ferdinandh Cabrera, pangulo ng PRO-BAR Press Corps, na tatlong beses siyang pinuntahan ng mga intelligence personnel sa kanilang tahanan upang kumuha ng personal na impormasyon gamit ang mga data form, at humingi pa ng barangay clearance upang tiyakin ang kanyang tirahan. Aniya, malinaw itong panghihimasok at agad niyang tinutulan ang naturang hakbang.
Hindi rin ito nag-iisang kaso. Dahil mayroon ring karanasan ang ilang media na matapos personal na puntahan ng apat na pulis ang kanilang bahay at pinapunan ng form at mayroon ring nakatanggap ng tawag mula sa isang nagpakilalang pulis ng Cotabato City Police Office na humihingi rin ng kumpirmasyon sa kanyang tirahan at barangay certification.
Ayon sa grupo, ang ganitong mga hakbang ay nakikitang anyo ng intimidasyon na nagdudulot ng chilling effect sa mga mamamahayag. Binibigyang-diin nila na ang anumang ugnayan ng media at mga ahensiya ng pamahalaan, partikular na ng kapulisan, ay dapat nakabatay sa tiwala at respeto.
Sa kanilang pahayag, mariing nananawagan ang PRO-BAR Press Corps na agarang ihinto ang umano’y walang basehang background investigations at igalang ang karapatan ng mga mamamahayag. Giit nila, naninindigan silang mananatiling malaya sa kanilang tungkulin at hindi padadaig sa anumang hakbang na makapipinsala sa kalayaan sa pamamahayag at demokrasya.
Home Local News PNP, nagsasagawa umano ng background check sa mga mamamahayag sa Cotabato—pero bakit?