Hindi maipinta ang saya ng dalawang drug personalities matapos silang mahuli sa ikinasang anti-illegal drug operation ng mga pulis sa Cebu City kagabi.
Bandang alas-11:30 ng gabi, Setyembre 18, 2025, nasakote ng mga operatiba ng Carbon Police Station 5 ang dalawang suspek sa Sitio Pig Vendor, Barangay Ermita. Sa halip na malungkot, super ngiti pa ang mga suspek habang nakaposas at nagpakuha pa ng larawan.
Nakilala ang mga ito na sina Johnrel Amistad Dominguez alyas “Goliath,” 18-anyos at target ng operasyon, at ang kasabwat niyang si Jerry Sanchez, 24-anyos, kapwa residente ng Sitio Bato, Barangay Ermita.
Nakumpiska mula sa kanila ang tatlong medium at apat na small sachets ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 15 gramo at tinatayang halagang ₱102,000.00.
Ayon sa Carbon Police Station 5, nag-ugat ang operasyon mula sa tip na may talamak na bentahan ng droga sa lugar. Matapos ang beripikasyon, agad nilang ikinasa ang buy-bust na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa.
Kasalukuyan na silang nakapiit sa custodial facility at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 kaugnay ng Section 26, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















