Muling kumilos ang iba’t ibang ahensya ng Bangsamoro at pambansang pamahalaan upang masilip mula sa himpapawid ang lawak ng pinsalang iniwan ng magkasunod na bagyong Mirasol at Nando.

Noong Setyembre 23, 2025, isinagawa ang aerial Rapid Damage and Needs Assessment (RDANA) sa pangunguna ng Bangsamoro Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC), katuwang ang Bangsamoro READi, Office of Civil Defense–BAR, at Tactical Operations Group 12 ng Philippine Air Force.

Nakibahagi sa nasabing assessment sina Special Assistant to the Minister Tomanda D. Antok ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG-BARMM) at Director Muhammad Farzieh “Bombet” Abutazil ng Bangsamoro READi.

Batay sa paunang datos, tinatayang 24 na munisipalidad at mahigit 97,000 pamilya ang apektado ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Layunin ng ginawang aerial survey na makalikom ng mas malinaw at napapanahong impormasyon upang mapabilis ang koordinasyon at paghahatid ng agarang tulong para sa mga apektadong residente.

Tiniyak naman ng Bangsamoro READi, bilang pangunahing emergency response arm ng BARMM, ang tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya upang masiguro ang mabilis na pag-abot ng suporta sa mga komunidad na matinding naapektuhan ng kalamidad.


















