Nanindigan si Ministry of Trade, Investments and Tourism (MTIT-BARMM) Director General Rosslaini J. Alonto-Sinarimbo na walang sapat na batayan ang pagdedeklara sa kanya ng Sangguniang Panlungsod ng Cotabato City bilang persona non grata.
Ayon kay Sinarimbo, hindi siya nakatanggap ng kopya ng resolusyon at tanging sa social media lamang niya nalaman ang naturang desisyon. Iginiit niyang walang pormal na komunikasyon o imbitasyon mula sa Konseho upang maipaliwanag ang kanyang panig.
Ipinunto ng opisyal na ang resolusyong isinulong ni Konsehal Shalimar Candao ay batay umano sa personal na pananaw at damdamin ni Mayor Bruce Matabalao, at hindi sa tunay na pangyayari.
Inilahad din niya ang mga detalye ng MTIT Tourism Summit noong Setyembre 16–18 kung saan lumitaw ang isyu. Ayon sa kanya, nasunod ang lahat ng itinakdang protocol, ngunit hindi nakadalo si Mayor Matabalao sa pagbubukas ng programa kung kaya’t naapektuhan ang daloy ng seremonya.
Giit ni Sinarimbo, siya ay nagpakumbaba at nakipag-ugnayan kay Mayor Matabalao hinggil sa usapin, ngunit lumalabas na pinalalabas itong personal na alitan. Aniya, malinaw na “pag-apak sa aking karapatan, moralidad at batas” ang resolusyong inilabas ng Konseho nang hindi siya nabigyan ng pagkakataong maipagtanggol ang sarili.
Dagdag pa niya, tila ginagamit ng ilang mga “Facebook trolls” ang nasabing resolusyon upang sirain ang kanyang reputasyon at pangalan sa publiko. Dahil dito, ipinag-utos na ng kanyang kampo ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable sa umano’y malisyosong gawain.
“Hindi ito tungkol sa personal na pagkakakilanlan, kundi tungkol sa tungkulin ko bilang opisyal ng gobyerno at sa pagsunod sa itinakdang protocol,” ani Sinarimbo, sabay bigyang-diin na nananatili siyang nakatuon sa integridad at responsableng paglilingkod sa mga mamamayan ng BARMM.