Labingwalo (18) na dating kasapi ng lokal na armadong grupo ang pormal na nagbalik-loob sa pamahalaan at boluntaryong isinuko ang 43 matataas na kalibreng armas sa tanggapan ng Combined Arms Team 92 (CAT92) sa Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Setyembre 23.
Ipinresenta ni Lt. Col. Christian V. Cabading, Commanding Officer ng CAT92, ang mga nagbalik-loob kay Major General Ramon P. Zagala, Commander ng 2nd Infantry Division, kasama si Col. Rommel S. Pagayon, Deputy Commander ng 1st Brigade Combat Team.
Kabilang sa mga isinukong kagamitan ang M203 grenade launcher, sniper rifles, M14 at M4 rifles, .50 caliber rifle, Sig Sauer rifle, rocket-propelled grenade (RPG), Garand, at iba pang armas at bala na nakuha sa pinaigting na pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Program.
Bahagi ng programa ang pagbibigay ng livelihood assistance sa mga nagbalik-loob kapalit ng kanilang mga isinukong armas. Isa sa kanila ang nagsabing matagal na silang namuhay sa takot at hirap kaya’t pinili nilang magbagong-buhay at muling makapiling ang kanilang pamilya nang payapa.
Dumalo sa aktibidad sina Mayor Bassir D. Utto ng Datu Saudi Ampatuan, kinatawan ng Tanggapan ng Gobernador ng Maguindanao del Sur, at iba pang lokal na opisyal na nagpahayag ng suporta at paunang tulong para sa dating mga rebelde.
Ayon kay Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang pagbabalik-loob ng mga rebelde ay patunay sa tagumpay ng whole-of-nation approach na nagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Hinimok din niya ang iba pang miyembro ng armadong grupo na tularan ang kanilang mga kasamahan at samantalahin ang pagkakataong makapagsimula muli sa tulong ng gobyerno at mga lokal na komunidad.