Bumagsak sa kamay ng batas ang isang kasalukuyang kagawad ng barangay matapos isagawa ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency – BARMM ang isang anti-illegal drug operation sa Barangay Tangngah, bayan ng Tandubas, Tawi-Tawi, dakong alas-4 ng hapon noong Setyembre 24, 2025.

Ayon kay PDEA-BARMM Regional Director Gil Cesario Castro, ang suspek ay nakilalang si alias “Wads”, 43 taong gulang, may asawa, at nanunungkulan bilang barangay councilor sa naturang bayan.

Naaresto si “Wads” sa bisa ng isang buy-bust operation na naisakatuparan sa tulong at koordinasyon ng mga ahensyang kinabibilangan ng Tandubas Municipal Police Station, 3rd Maneuver Force Platoon ng 2nd Provincial Mobile Force Company, at ng Provincial Intelligence Team – Regional Intelligence Unit (RIU-9).

Nakumpiska mula sa operasyon ang apat (4) na medium-sized sachet ng hinihinalang shabu, na tumitimbang ng humigit-kumulang 20 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php136,000 base sa standard drug valuation. Kabilang din sa mga narekober ang drug paraphernalia, ilang piraso ng cellphone, mga identification cards, pitaka, at marked money na ginamit sa buy-bust.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PDEA-BARMM ang suspek at inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kanya, kabilang ang paglabag sa mga sumusunod na probisyon ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002:

Section 5 – Selling of Dangerous Drugs (na may kaukulang parusang habang-buhay na pagkakakulong)

Section 11 – Possession of Dangerous Drugs

Section 12 – Possession of Equipment, Instrument or Paraphernalia for Dangerous Drugs

Inaasahang magsisilbing babala ang pagkakahuli sa nasabing opisyal sa mga nasa gobyerno na sangkot sa ilegal na droga, sa patuloy na kampanya kontra droga sa rehiyon.