Mariing pinabulaanan ni Senador Francis Joseph “Chiz” Escudero ang mga umano’y mapanirang akusasyon na inilahad ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Setyembre 25.

Ayon kay Escudero, walang katotohanan ang mga paratang dahil mismong si Bernardo na umano’y umaming wala silang direktang naging ugnayan hinggil sa isyung binabanggit. Giit pa ng senador, malinaw na kasinungalingan at walang basehan ang pagkakadawit sa kanyang pangalan.

Dagdag pa niya, tila may sistematikong hakbang upang siraan hindi lamang siya kundi pati ang buong Senado, at ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga tunay na sangkot. Aniya, “Puro senador ang tinuturo—nasaan sina Zaldy Co at Rep. Martin Romualdez? Kung pagbabasehan ang testimonya ni Bernardo, tila wala silang kinalaman. Hindi ito kapanipaniwala.”

Tinawag din ni Escudero na isang “sarswela” ang mga akusasyon na aniya’y sobrang pag-iwas sa mga tunay na responsable. Bunsod nito, nagbanta ang senador na magsasampa ng kasong legal laban kay Bernardo bilang tugon sa umano’y walang saysay at mapanirang mga pahayag.

Binigyang-diin ni Escudero na sa loob ng mahigit 27 taon niya sa serbisyo publiko ay hindi siya kailanman nasangkot o kinasuhan ng korapsyon. Kumpiyansa siyang sa oras na mailabas ang lahat ng katotohanan, mananatiling malinis ang kanyang pangalan at integridad bilang lingkod-bayan.