Isang malungkot na trahedya ang naganap ngayong Biyernes sa Barangay Bilwang, Kawayan, Biliran Province matapos lamunin ng rumaragasang baha ang isang lolo at dalawa niyang apo dulot ng Bagyong Opong.
Nasawi ang isang 4-taong-gulang na batang babae, ang kanyang 12-anyos na pinsan na si “Gil,” at ang kanilang 63-anyos na lolo matapos abutan ng biglaang pagbaha sa kanilang tahanan bandang alas-2 ng hapon, Setyembre 26, 2025.
Ayon sa ulat, tinangkang lumikas ng pamilya patungo sa barangay hall upang makaiwas sa pagtaas ng tubig mula sa ilog. Sa kasamaang palad, doon na rin natagpuan ang kanilang mga wala nang buhay na katawan.
Patuloy pa rin ang search and retrieval operations para sa isa pang nawawalang 7-taong-gulang na bata habang patuloy ang pag-ulan at mataas na tubig baha, na lalong nagpapahirap sa pagsagip ng mga awtoridad.
Ang insidente ay isa lamang sa mga nakalulungkot na epekto ng pananalasa ng Bagyong Opong sa rehiyon.