Nanindigan ang United Bangsamoro Justice Party o UBJP na dapat ituloy sa nakatakdang petsa, Oktubre 13, 2025, ang kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.‎‎

Sa kanilang opisyal na komento na isinumite sa Commission on Elections en banc, iginiit ng UBJP na malinaw sa Bangsamoro Organic Law at Bangsamoro Electoral Code na tungkulin ng COMELEC na ipatupad ang halalan, at walang sapat na batayan upang ito ay ipagpaliban.

‎‎Binigyang-diin ng partido na ang inilabas na Temporary Restraining Order ng Korte Suprema laban sa Bangsamoro Autonomy Act No. 77 ay hindi direktang nagbabawal sa pagsasagawa ng eleksyon, kundi pansamantalang humahadlang lamang sa pagpapatupad ng nasabing batas. Ayon pa sa UBJP, nananatiling epektibo ang mga probisyon ng Bangsamoro Electoral Code na nagsisilbing legal na balangkas ng halalan.‎‎

Tinuligsa rin ng UBJP ang pananaw ng COMELEC na ang sitwasyon ay maituturing na “force majeure” o hindi inaasahang pangyayari. Giit nila, hindi kasama sa mga nakasaad na dahilan ng postponement ang kasalukuyang sitwasyon, at walang seryosong banta gaya ng terorismo, karahasan, o malawakang pagkasira ng mga election paraphernalia na magpapawalang-bisa sa halalan.‎‎

Dagdag pa ng UBJP, hindi makatarungang gawing dahilan ang pagbaha sa ilang piling bayan sa BARMM dahil maliit na bahagi lamang ito ng kabuuang rehiyon at hindi sapat na dahilan para ipagpaliban ang halalan.‎‎

Sa huli, iginiit ng UBJP na ang karapatang bumoto ng mga Bangsamoro ay hindi lamang usapin ng eleksyon, kundi bahagi ng pagpapatibay sa kasunduan sa kapayapaan at pagpapasya ng taumbayan para sa kanilang sariling pamahalaan.