Matapos ma-stranded ng mahigit isang linggo dahil sa masamang panahon, 88 turista sa Batanes ang ligtas na naibalik sa Maynila nitong Huwebes, Setyembre 25, sa pamamagitan ng isang humanitarian mission na pinangunahan ng pamahalaan.
Ang Office of Civil Defense (OCD), katuwang ang Philippine Air Force, ay nagsagawa ng C-130 flight mula Basco Airport patungong Villamor Air Base upang maihatid ang mga pasahero na hindi makaalis ng isla nang higit 10 araw dahil sa malalakas na hangin at malakas na ulan dulot ng bagyo at Habagat.
Bukod sa pagpapauwi ng mga turista, nagdala rin ang naturang misyon ng tulong para sa mga apektadong residente. Umabot sa 600 family food packs at 237 kilo ng medical supplies ang naipadala sa Batanes, habang 679 food packs naman ang naihatid sa Calayan. Gumamit ng C-130 transport plane at Black Hawk helicopters sa operasyon.