Pumalag si BTA Member of Parliament Atty. Naguib Sinarimbo sa naging maanghang na kumento sa isang public post sa Facebook ni Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE Deputy Minister Haron Meling na diumano ay puppet ng pamahalaang nasyonal si BARMM Interim Chief Minister Abdulraof A. Macacua.
Nag-ugat ang pagkundena dahil sa naging maanghang na kumento sa facebook ni Meling na puppet umano ng GPH at ni OPAPRU Secretary Carlito Galvez ang Interim Chief Minister.
Sa pahayag nito, kanyang ibinulalas ang pinakamadiin at pinakamalakas na pagkundena maging pagkadismaya sa naging pahayag ni Meling sa publiko laban kay CM Sam.
Ayon kay MP Atty. Naguib Sinarimbo, ang iresponsable na sirkulasyon ng nasabing pahayag na walang kaakibat na ebidensya ay hindi lamang nakasisira sa legasiya at pinaghirapang reputasyon ng punong ministro kundi magdudulot din ito ng malaking problema.
Hindi rin aniya katanggap-tanggap o unbecoming sa isang opisyal ng pamahalaan na bastusin at siraan ang indibidual na naturingang kanyang boss o amo.
Aniya, ang pagbalewala umano sa legasiya ni Macacua sa pamamagitan ng mga nakasisirang bintang ay isa umanong panghahamak sa mga sakripisyo at kontribusyon na ginawa ng punong ministro para sa mamamayan.
Dito rin inilahad ni Sinarimbo ang mga sakripisyo ni Macacua sa pakikipaglaban sa Gambar at ayon pa sa mambabatas, ang tauspusong dedikayuon umano ni CM Sam sa MILF ang sandigan ngayon sa pagiging matatag ng BARMM.
Dahil dito, kahit na parte ng demokratikong diskurso ang konstruktibong pagpuna, dapat aniya ay nakasalig ito sa katotohanan, respeto at legalidad.
Ang mga aksiyon umano ni Meling ay isa umanong flagrant at gross na paglabag sa Code of Conduct of Ethical Standards for Public Officials and Employees o RA 6713 na nagmamandato ng pagkapropesyonal, respeto sa autoridad at respetableng paggampan sa tungkulin ng isang opisyal.
Sa huli, naghayag ng tauspusong suporta at pagtitiwala si Sinarimbo kay Macacua at nanawagan ito na itigil na ang mga isyu at tsismis at bumalik sa maayos na pakikipagusap at maayos na dayalogo.
Una nang naghayag ng pagkundena sa inasal ni Meling ang mga kumander ng BIAF o Bangsamoro Islamic Armed Forces maging si Member of Parliament Butch Malang at inalmahan ng mga ito ang pagtawag ni Meling kay Macacua na puppet ng pamahalaan.
Ayon kay Malang, walang basehan umano ang paratang at lumagpas na si Meling sa linya ng diskurso at ang nasabing pagtawag nito ay isa na umanong unprofessional at di kaaya-aya.
Sa panig naman ng mga kumander ng BIAF base sa kanilang pinirmahan na Joint Statement laban sa inasal umano ni Deputy Minister Meling, hiningi nito ang public apology maging ang pagpapaliwanag ng nasabing opisyal ukol sa hindi katanggap tanggap na binitiwang salita nito na nakasira sa reputasyon ni Macacua at hiniling din nito na maging maingat ang lahat sa mga bibitiwang salita na makapananakit sa bawat isa.