Nasamsam ng 4th Infantry “Diamond” Division ang limang high-powered firearms mula sa isang taguan ng armas ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Kalasungay, Barangay San Vicente, Esperanza, Agusan del Sur noong Setyembre 22.

Natunton ng militar ang kinaroroonan ng armas matapos ang pagsuko ng mga mataas na lider ng NPA na sina alyas Jari/Reds/Isyot/Raid at ang kanyang asawa na si alyas Vivian/Yadi/Digan/Mags. Ang impormasyong ibinahagi ng mag-asawa ang naging susi upang madiskubre ang taguan ng armas.

Kabilang sa mga nakumpiska ang isang M60 machine gun, isang AK-squad automatic weapon, at tatlong AK-47 rifles, kasama ang dalawang magasin ng RPK at mga bala.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng 8th Infantry Battalion, 88th Infantry Battalion, 26th Infantry Battalion, 1st Special Forces Battalion, at mga yunit ng intelihensiya ng 4ID.

Ayon kay Brigadier General Siegfred C. Tubalado, kumander ng 403rd Infantry Brigade, napigilan ang mga binabalak na pag-atake ng NPA sa Bukidnon at Agusan del Sur dahil sa impormasyon mula sa mga sumukong lider.


Aniya, “Sa pamamagitan ng pagkakadiskubre at pagkakasamsam ng mga armas bago pa ito magamit, nabawasan natin ang kakayahan ng NPA na maghasik ng karahasan at nailigtas natin ang buhay ng ating mga kababayan.”

Samantala, pinuri ni Major General Michele B. Anayron Jr., kumander ng 4ID, ang dedikasyon ng mga tropa at binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pagbabalik-loob ng mga miyembro ng NPA.


Dagdag niya, “Ito ay isa na namang malaking dagok sa pwersa ng NPA sa Northern Mindanao. Ang kanilang pagsuko, kasunod ng pagkakasamsam ng mga armas, ay patunay ng lumalawak na pagkadismaya sa kanilang hanay at tagumpay ng ating mga programang pangkapayapaan.”

Source: 4th Infantry “Diamond” Division, Philippine Army