Isang babaeng suspek ang naaresto sa Barangay Mother Tamontaka, Cotabato City matapos maakusahan ng paulit-ulit na pagnanakaw ng pera mula sa kanyang amo.

Dakong alas-5:00 ng hapon noong Setyembre 30, 2025, isang concerned citizen ang personal na nagtungo sa Police Station 3 upang i-ulat na ang kanilang kasambahay ay paulit-ulit na nagnanakaw ng pera mula sa kanilang opisina na nakakabit sa kanilang tahanan.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng istasyon sa nasabing lugar at isinagawa ang beripikasyon sa pamamagitan ng CCTV footage. Lumabas sa pagsusuri na positibo ang ulat, dahilan upang arestuhin ang nasabing kasambahay.

Batay sa paunang imbestigasyon, bandang alas-3:00 ng madaling araw ng parehong araw, nagising ang maybahay ng biktima dahil sa tunog ng alarmang nakakabit sa pinto ng opisina. Nang kanila itong suriin sa CCTV, nakita nila na bandang alas-3:03 AM, binuksan ng kasambahay ang isang drawer at kinuha ang halagang ₱15,000.00.

Sa mas malalim na pagsusuri sa CCTV footage, nadiskubre rin na ilang ulit nang nagnakaw ang suspek noong Agosto 31, Setyembre 7, Setyembre 22, at muli noong Setyembre 30, 2025, mula sa parehong drawer.

Kabuuang halagang ₱164,000.00 ang tinatayang ninakaw ng suspek sa magkakahiwalay na insidente.

Kasalukuyang inihahanda ang kaso laban sa suspek sa paglabag sa Article 310 ng Revised Penal Code o Qualified Theft.