Sa idinaos na Mindanao Development Forum 2025, ipinresenta ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang plenaryong pagtalakay na may temang “BARMM at the Crossroads: Building Peace, Empowering Communities, and Sustaining Progress.”
Sa kanyang pahayag, inilarawan ni Macacua na ang Bangsamoro ngayon ay hindi na lamang kwento ng alitan kundi isang larawan ng pagbabago—kung saan unti-unting nababawasan ang kahirapan, lumalago ang mga proyektong pang-imprastruktura, mas nagiging matatag ang mga pamayanan, at napapanatili ang kapayapaan sa pamamagitan ng inklusibong pamamahala.
Binigyang-diin ng Punong Ministro na hindi maihihiwalay ang kinabukasan ng Mindanao sa kinabukasan ng Bangsamoro. Sa tuloy-tuloy na pagtitiwala ng mamamayan, suporta ng pambansang pamahalaan, at pakikipagtulungan ng mga development partners, tiniyak niya na ipagpapatuloy ng pamahalaang Bangsamoro ang pag-usad tungo sa isang matatag, maunlad, at mapayapang rehiyon.
Sa pagtatapos, hinikayat ni Macacua ang lahat na magsama-sama sa pagpili ng landas ng pagkakaisa, dangal, at pangmatagalang kapayapaan para sa isang #MasMatatagNaBangsamoro.