Bumira ang Cotabato City Police Office (CCPO) ng mahigit 50 operasyon mula Setyembre 1 hanggang 30, 2025 bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad.
Sa tala, nasa 26 anti-illegal drugs operations ang ikinasa kung saan 37 katao ang naaresto at tinatayang ₱81,330 halaga ng iligal na droga ang nakumpiska.
Samantala, sa limang operasyon kontra loose firearms, dalawang suspek ang natimbog habang tatlong armas ang kusang isinuko o nadeposito sa mga awtoridad.
Hindi rin nagpahuli ang CCPO sa pagtugis sa mga nagtatagong kriminal matapos madakip ang sampung (10) wanted persons sa magkakahiwalay na operasyon.
Isang kaso ng pamamaril naman ang naitala sa lungsod ngayong buwan, na kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya. Mayroon nang tinukoy na person of interest na posibleng kakasuhan.
Pinangunahan ni Police Colonel Jibin M. Bongcayao, City Director, ang naturang serye ng operasyon bilang bahagi ng layuning gawing mas ligtas at disiplinado ang Cotabato City alinsunod sa pambansang kampanya.
Hinimok din ng CCPO ang publiko na agad makipag-ugnayan sa kanilang mga hotline at pinakamalapit na himpilan ng pulisya para sa mabilis na aksyon at tulong.