Mariing kinondena ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army ang brutal na pagpatay kay Ramon M. Lubos, 65-anyos, dating Barangay Kagawad at miyembro ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) sa Barangay Limpongo, Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Si Lubos ay pinaslang ng mga hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan noong Setyembre 30, 2025 sa Sitio Kulab, Barangay Limpongo.
Batay sa paunang imbestigasyon, umaga nang magtungo si Lubos sa kanyang sakahan ngunit hindi na nakabalik. Kinagabihan, natagpuan siyang wala nang buhay matapos dumanas ng marahas na pag-atake. Patuloy ang imbestigasyon at hot pursuit operations upang matukoy at mapanagot ang mga responsable sa naturang krimen.
Ayon sa 6th Infantry Division, ang insidenteng ito ay isang paglapastangan sa dangal ng tao at banta sa kapayapaan at kaayusan na matagal nang pinapangalagaan sa Maguindanao del Sur. Idiniin din ng 6ID na hindi ito makakahadlang sa kanilang mandato na protektahan ang mamamayan at panatilihin ang katatagan sa Gitnang Mindanao.
Nagpahatid ng pakikiramay ang 6ID sa pamilya ni Lubos at tiniyak na hindi titigil ang militar hangga’t hindi nakakamit ang hustisya. Nanawagan din ang pamunuan sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad bilang bahagi ng pagpapatibay ng seguridad at kapayapaan sa rehiyon.