Nakumpiska ng tropa ng 82nd Infantry (Bantay-Laya) Battalion ng Philippine Army ang tatlong high-powered firearms at iba pang personal na gamit na iniwan ng mga tumatakas na kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Capiz noong Setyembre 28, 2025.

Batay sa ulat, isang dating rebelde ang nagbigay ng mahalagang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga rebelde, at ito ay lalo pang napatibay sa tulong ng mga residente sa lugar.

Sa isinagawang operasyon, narekober ng militar ang dalawang M16A1 rifles, isang M653 rifle, at iba pang personal na gamit mula sa abandonadong hideout.

Sa kabuuan, anim na high-powered firearms na ang nakumpiska sa probinsya—isang malaking dagok sa kakayahan ng CTG na magpatuloy ng operasyon sa Central Panay.

Pinuri ni Major General Michael G. Samson, Commander ng 3rd Infantry (Spearhead) Division, ang kasundaluhan dahil sa kanilang tuloy-tuloy na pagsisikap laban sa insurhensiya.

Giit niya, patunay ang nasabing operasyon na unti-unti nang nawawalan ng lakas at suporta mula sa komunidad ang CTG.

Dagdag pa ni MGen Samson, malaking bahagi ng tagumpay na ito ang tapang at kooperasyon ng mga dating rebelde at mamamayan. Aniya, mahalaga ang kanilang papel upang maitaguyod ang kapayapaan, pagkakaisa, at kaunlaran sa Western Visayas.

Tiniyak din ng 3ID na patuloy nilang sisikapin na tuluyang buwagin ang mga natitirang pwersa ng CTG at tiyaking malaya sa impluwensiya ng mga rebelde ang lahat ng komunidad sa rehiyon.

SOURCE: KALINAW NEWS