Nakuhanan umano sa video ang insidente ng pamamaril laban sa isang tribu sa Barangay Landan, bayan ng Polomolok, South Cotabato.

Batay sa inisyal na impormasyon, sangkot dito ang isang pulis na sinasabing nagsisilbi bilang bodyguard ng alkalde ng bayan.

Sa naturang video, makikitang nakatutok ang armas ng pulis at sunod-sunod ang pagpapaputok nito. Maririnig pa ang isang miyembro ng tribu na nagmamakaawang itigil na ang pamamaril dahil wala namang armas o anumang patalim ang hinahabol na biktima.

Sa ngayon, iniimbestigahan pa ang insidente upang matukoy ang motibo at mga indibidwal na sangkot, kabilang ang kasapi ng tribu na tinutugis.

Samantala, sa isang social media post, tiniyak ni Governor Reynaldo Tamayo Jr. na agad niyang tututukan at bibigyang solusyon ang pangyayari at hindi niya palalampasin ang insidente.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang opisyal na pahayag mula sa panig ng pulis na sangkot at ng biktima.