Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na ito ay susunod sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng pagsasagawa ng Bangsamoro Parliamentary Elections na orihinal na itinakda sa Oktubre 13, 2025.
Batay sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman sa pinagsamang kaso ng G.R. No. E-02219 at G.R. No. E-02235, ipinasya ng COMELEC ang ilang mahahalagang hakbang na may kinalaman sa eleksyon sa rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Una, itinala ng ahensiya ang lahat ng komento mula sa mga kandidato, regional parliamentary political parties, sectoral organizations, citizens’ arms, at iba pang stakeholders kaugnay ng COMELEC Minute Resolution No. 25-1034. Subalit, dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema, itinuturing na moot at academic o wala nang bisa ang nasabing usapin.
Ikalawa, idinagdag ng komisyon na ang isyung tinalakay sa mga naturang komento ay pormal nang itinuturing na moot and academic bunsod ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara sa Bangsamoro Autonomy Act (BAA) No. 58 at BAA No. 77 bilang labag sa Konstitusyon.
Ikatlo, maghihintay ang COMELEC sa pagsunod ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa direktiba ng Korte Suprema hinggil sa pagdetermina ng mga bagong parliamentary districts. Inaasahang maisusumite ito hanggang Oktubre 30, 2025.
At panghuli, inilift ng COMELEC ang lahat ng election prohibitions sa buong rehiyon ng BARMM, kabilang na ang pagdadala, pagbibitbit, o pagbibiyahe ng mga baril at iba pang nakamamatay na sandata, pati na sa Lungsod ng Isabela sa Basilan.
Kasabay nito, magtatakda muli ang COMELEC ng binagong kalendaryo ng mga aktibidad para sa BARMM Parliamentary Elections, na dapat maisagawa hindi lalampas sa Marso 31, 2026, kapag nakumpleto na ng BTA ang itinakdang utos ng Korte Suprema.