Binalaan ni Bangsamoro Government Chief Minister Abdulraof Macacua ang mga lokal na opisyal laban sa paggamit ng kapangyarihan sa pansariling interes sa halip na para sa kapakanan ng mamamayan, na aniya’y isang uri ng paglapastangan sa sakripisyo at dugo na ibinuwis sa matagal na pakikibaka ng rehiyon para sa sariling pagpapasya.
Ipinahayag ito ng Punong Ministro sa ginanap na pagpirma sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Bangsamoro Local Governance Code (BLGC) noong Setyembre 30, 2025, sa Alnor Convention Hall sa lungsod na ito.
Binanggit ni Macacua na ang minimithing sariling pagpapasya ng Bangsamoro ay pinundar ng “dugo at luha” ng mamamayan.
“Walang lugar ang korapsyon sa Bangsamoro na ating binubuo. Ang ating mga tao ay nag-alay ng dugo at luha para sa adhikain ng sariling pagpapasya,” ani Macacua. “Hindi natin dapat bastusin ang sakripisyong iyon kung gagamitin lamang ang pamahalaang lokal para sa pansariling kapakinabangan at hindi para sa kapakanan ng taumbayan,” dagdag pa niya.
Samantala, nagpaabot naman ng suporta si Mayor Datu Umbra Dilangalen, Pangulo ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) – Maguindanao del Norte Chapter, na personal na dumalo sa okasyon. Aniya, “Ang Kodigo ay nagbibigay sa amin hindi lamang ng awtoridad kundi ng pananagutan. Sisiguruhin naming ang kapangyarihang ito ay gagamitin para sa kapakanan ng mamamayan.”
Layon ng BLGC na bigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapalakas ng kanilang estruktura at paggamit ng yaman upang mapahusay ang serbisyong hatid sa mamamayan, batay sa prinsipyo ng integridad at transparency.
Kabilang din sa mga probisyon ng Kodigo ang pagbabawal sa political dynasty, na nagbibigay-diin na ang pamumuno ay isang pampublikong tiwala at hindi dapat ituring na minanang karapatan ng pamilya.
Ayon sa Bangsamoro Autonomy Act (BAA) No. 49, nakasaad sa Sec. 45 (g) Disqualifications ang pagbabawal sa political dynasty sa pamamagitan ng hindi pagpapahintulot sa mga kamag-anak hanggang ikalawang antas—kabilang ang asawa, maging sa dugo o sa pamamagitan ng kasal—na tumakbo para sa alinmang lokal na posisyon mula barangay hanggang probinsyal sa parehong nasasakupang lugar ng kasalukuyang halal na opisyal.