Isang bangkay ng lalaki ang nadiskubre sa loob ng isang plastic drum sa Sitio Panag, Barangay Malala, Datu Paglas, Maguindanao del Sur nitong Sabado ng umaga, Oktubre 4, 2025, bandang alas-7:40.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ramil Dadog Ocot, binata, isang manggagawa, at residente ng Barangay Datang sa naturang bayan.

Ayon sa ulat ng Datu Paglas Municipal Police Station (MPS), isang concerned citizen ang tumawag sa hotline ng pulisya upang iulat ang umano’y bangkay na itinago sa loob ng drum, mga pitong kilometro ang layo mula sa himpilan.
Agad na rumesponde ang Alert Team at natuklasang totoo ang naturang sumbong.

Batay sa paunang imbestigasyon, ilang araw nang nawawala ang biktima mula pa noong Oktubre 2, 2025, at hindi na makontak ng kanyang pamilya.


Nang suriin ang katawan, natuklasang may mga tama ng saksak at taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan, indikasyong pinatay muna ang biktima bago inilagay sa loob ng drum.

Kaagad na nilagyan ng cordon ang lugar ng insidente habang nagsagawa ng ebidensiya gathering ang mga imbestigador.
Kabilang sa mga narekober sa pinangyarihan ng krimen ang plastic drum at pisi (rope) na kasalukuyang nasa kustodiya ng Datu Paglas MPS.

Ipinagkatiwala naman sa pamilya ang labi ni Ocot upang maisagawa ang Muslim burial rites, alinsunod sa tradisyong Islam.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang tukuyin ang motibo sa likod ng krimen at ang pagkakakilanlan ng mga responsable.