Lubhang humina at halos tuluyang nabuwag ang natitirang yunit ng Communist Terrorist Group (CTG) sa ilalim ng Area of Responsibility (AOR) ng 901st Infantry Brigade, partikular ang Sub-Region Sentro de Gravidad (SRSDG) Westland. Dalawa sa tatlong platoon ng grupo — ang Platun Uno at Platun Dos — ay napatigil na sa operasyon matapos ma-neutralisa ang mga pangunahing lider at kasapi nito sa sunod-sunod na engkwentro at boluntaryong pagsuko.

Ayon sa ulat, ang patuloy at walang humpay na operasyon ng mga tropa ng 29th, 30th, 36th, 48th, at 65th Infantry Battalions sa ilalim ng 901st Brigade ang nagbunsod ng malaking tagumpay na ito — isang hakbang na nagdulot ng makabuluhang epekto sa kampanya para sa kapayapaan at kaunlaran sa Caraga Region.

Batay sa mga detalye, tuluyang nabuwag ang Platun Uno matapos ang serye ng engkwentro sa pagitan ng mga tropa ng 30th IB at 29th IB sa Placer, Surigao del Norte at Anticala, Butuan City mula Hunyo hanggang Hulyo. Sa mga naturang operasyon, 18 miyembro ng grupo ang na-neutralisa — apat ang nasawi, kabilang si Roderick Maco alyas Rodel, Commanding Officer ng SRSDG Westland, habang 14 ang sumuko, kabilang si Ricky Per alyas Rem, Vice CO ng Platun Uno at dating CO ng nabuwag na SRSDG Northland.

Noong Hulyo 16, boluntaryong sumuko kay 48th Infantry Battalion si Squad Leader Julia kasama ang kanyang asawa. Sinundan ito ng pagsuko ng huling dalawang natitirang kasapi ng Platun Uno sa 29th IB nitong Oktubre 2, kalakip ang pitong matataas na kalibre ng armas. Napatay rin sa isang operasyon sa Butuan City noong Hulyo 7 si Roel Neniel alyas Jacob, Commanding Officer ng Regional Headquarters (RHQ). Itinuturing ng militar na ang mga pangyayaring ito ang nagmarka ng tuluyang pagbagsak ng Platun Uno — ang huling yunit ng CTG sa Agusan del Norte.

Samantala, noong Hunyo 25, nakasagupa ng 36th Infantry Battalion ang mga elemento ng Platun Dos sa Sitio Libas, Barangay Sibahay, Lanuza, Surigao del Sur. Dalawang kasapi ng grupo — sina alyas Marga at alyas Joseph — ang nasugatan at nadakip, bago kalauna’y boluntaryong sumuko. Makalipas ang ilang linggo, sumuko rin ang Commanding Officer ng Platun Dos na si Edmar Maca alyas Renren noong Agosto 22, at nakatulong sa pagpapasuko ng kanyang mga kasamahan hanggang Oktubre 3, kung saan lima pang CTG members ang nagbalik-loob sa pamahalaan. Dahil sa magkakasunod na pagsukong ito, tuluyang nanghina ang Platun Dos, na naiwan na lamang sa pitong aktibong kasapi.

Mula Hunyo ngayong taon, umabot na sa 26 na miyembro ng SRSDG Westland ang na-neutralisa. Sa kasalukuyan, tatlong skeletal squads na lamang ang natitira, na patuloy na nagtatago sa mga hangganan ng Sibagat, Agusan del Sur at San Miguel, Surigao del Sur, at nahihirapan nang makasurvive dahil sa kakulangan ng pagkain, suplay, at tuloy-tuloy na operasyon ng militar.

Ayon kay Colonel Manuel Darius M. Resuello, Acting Commander ng 901st Infantry Brigade, nakatuon ngayon ang kanilang mga operasyon sa natitirang CTG remnants at sa lider nitong si Emmie Mar Merza Anub alyas Dongkoy.

“Magpapatuloy ang aming walang tigil na operasyon hanggang sa tuluyang ma-neutralisa ang huling kasapi ng CTG sa aming AOR. Nawa’y piliin na ng mga natitira ang pagsuko upang makaiwas sa karagdagang pagkasawi at magkaroon ng pagkakataong makapiling muli ang kanilang mga pamilya,” pahayag ni Col. Resuello.

Pinuri rin ni Col. Resuello ang tuloy-tuloy na pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders sa pagpapatibay ng kampanya laban sa insurhensiya at sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa Caraga Region.

Ang 901st Infantry Brigade ay nasa ilalim ng operational control ng Joint Task Force Diamond (4th Infantry Division), na responsable sa pagpapanatili ng seguridad sa hilagang bahagi ng rehiyon.

SOURCE: 901st Infantry “Fight ‘Em” Brigade, Philippine Army