Nilinaw ni Cotabato City Mayor Bruce “BM” Matabalao na nananatiling payapa ang lungsod sa kabila ng mga nagdaang insidente ng pamamaril.
Sa kanyang press conference kahapon, araw ng Lunes, October 6, 2025, binigyang-diin ng alkalde na walang katotohanan ang mga kumakalat sa social media na araw-araw daw may pinapatay sa Cotabato City. Ayon sa kanya, exaggerated at gawa-gawa lamang ang ilan sa mga ulat na naglalayong sirain ang imahe ng lungsod.
Giit ni Matabalao, kontrolado at generally peaceful pa rin ang seguridad sa lungsod, at mas mababa pa rin ang bilang ng mga kaso ng pamamaril kumpara sa mga nakaraang taon.
Kasunod nito, tiniyak ng alkalde na paiigtingin pa ng City Police at Philippine Marines ang security measures sa pamamagitan ng mga random checkpoints at dagdag na force multipliers. Maglalabas din siya ng Executive Order para sa pagtalaga ng mga civilian police auxiliaries upang mapalakas ang presensiya ng mga awtoridad sa mga kritikal na lugar.
Panawagan ni Mayor Matabalao sa mga mamamayan, huwag agad maniwala sa mga maling impormasyon at sa halip ay makipag-ugnayan sa City Government o sa kapulisan kung may nalalaman hinggil sa mga naganap na pamamaril upang agad masampahan ng kaso ang mga salarin.
Dagdag pa ng alkalde, ginagawa ng pamahalaang lungsod ang lahat upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at tiwala ng publiko sa Cotabato City.