Naglabas ng mahigpit na paalala si Mayor Paolo Evangelista matapos ang viral CCTV footage ng isang motor crash na kinasasangkutan ng isang rider na nag-“superman” maneuver sa National Highway noong Oktubre 5, 2025, ganap na 1:19 ng umaga.
Ayon kay Mayor Evangelista, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng drag racing at mapanganib na stunt sa pampublikong kalsada. “Hindi dahil sa inyong ‘passion’ o thrill ay maiintindihan kayo ng lipunan. Ang inyong ‘passion’ ay posibleng maging sanhi pa ng inyong kamatayan,” ani Evangelista.
Dagdag pa ng alkalde, ang tunay na tapang ay nasusukat hindi sa panganib kundi sa kakayahang mag-ingat para sa sarili at kapwa. “Manatili na lang sa bahay, maghugas ng plato, at maglinis ng paligid. Ingatan ninyo ang inyong kinabukasan at ang kinabukasan ng ating lungsod,” dagdag niya.
Batay sa ulat, idineklara umanong dead on arrival ang rider matapos ang aksidente.